EDUKASYON ang isa sa prayoridad sa Caloocan City ni Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President at Liberal Party (LP) mayoralty candidate Ricojudge “RJ” Echiverri kapag nanalong alkalde ng lungsod sa darating na May 13 election.
Ayon kay Echiverri, ang edukasyon ang isa sa magiging sandata ng mga kabataan upang marating ng mga ito ang kanilang pinapangarap at ito rin ang paraan upang maabot ng mga estudiyante ang kanilang hangaring umangat sa buhay.
Ang hangarin na ito ni RJ ay nagsimula nang simulan nito ang pagsisilbi bilang kapitan ng Barangay 84 sa Morning Breeze hanggang sa maging presidente ito ng Liga ng mga Barangay-Caloocan Chapter at manalo itong pangulo ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas ng dalawang magkasunod na termino.
Isa sa mga inilaban ni RJ na mabigyan ng katuparan ay ang pagpapatupad sa Section 393 ng Local Government Code kung saan ay mabibigyan ng libreng tuition fee ang mga anak ng mga barangay officials sa buong Pilipinas sa lahat ng state universities at colleges.
Naging aktibo rin si RJ bilang konsehal ng lungsod at bilang Vice-Chairman ng Committee on Education sa Sangguniang Panglungsod ng Caloocan ay isinulong nito ang mga programang pakikinabangan ng mga estudiyante.
Naging katuwang din ito ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri sa pagbigay ng solusyon sa lahat ng suliranin ng mga pampublikong paaralan kabilang na dito ang pagpapagawa ng 640 classrooms na nagagamit ngayon ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa elementarya at sekondarya.
Hindi rin nakalimutan ng mag-amang Echiverri ang University of Caloocan City (UCC) sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga bagong gusali at pagbibigay ng mga bagong kagamitan bukod pa sa pagpapa-angat ng kalidad ng edukasyon sa naturang paaralan.
Dahil sa pagpupursige nina Recom at RJ na mapaangat ang kalidad ng edukasyon sa lungsod ay nakilala ang UCC bilang isa sa mga unibersidad sa bansa na pinanggagalingan ng mga magagaling na college graduates.
Nangako pa si RJ na itutuloy nito ang mga sinimulan ng kanyang ama na nagpabago at nagpaunlad sa lungsod upang higit pang makilala ang Caloocan City sa iba’t-ibang larangan kabilang na dito ang pagbibigay ng mga kapaki-pakinabang na proyekto sa mga residente.