INIHAYAG ng Department of Education (DepEd) na nagtatag sila ng Election Task Force (ETF) Operation Center sa Central Office para siguruhin ang kaligtasan ng mga guro na magsisilbing miyembro ng Board of Election Inspectors (BEI) sa 2013 Senatorial at local elections.
Ayon kay DepEd Secretary Br. Armin A. Luistro, itinalaga bilang officer in chatge ng nasabing task force si Undersecretary for Legal Affairs Atty. Alberto Muyot.
Ayon pa sa kalihim, ang ETF ang magbibigay ng tamang impormasyon sa mga guro maging ang teknikal at legal assistance sa mga kakaharaping suliranin bilang kasapi ng BEI.
Maging ang principals, supervisors, schools division/city superintendents at iba pang DepEd employees na magsisilbi sa May 13, 2013 automated national and local elections ay kabilang sa bibigyan ng proteksiyon.
“Our DedEd personnel deserve all the support they need to enable them to better perform this noble duty of overseeing the conduct of an honest and free elections,” ani Luistro.
Nabatid na ang 2013 ETF Operation Center ay ilalagay sa DepEd Bulwagan ng Karunungan simula sa ala-1:00 ng hapon sa May 12 hanggang sa alas-12:00 ng hapon ng May 14.
Kasabay nito ay pinaalalahanan ng kalihim ang lahat ng personnel na manatiling non-partisan at huwag direktang makialam sa election campaign o sumali sa partisan political activity maliban sa pagboto.
Nabatid pa sa Deped na ang ETF ay magsisilbi ring link ng ahensiya sa mga volunteer organizations, partner agencies at individuals na may kinalaman sa May polls.