ISINISI ni Pangulong Benigno Aquino III sa mga pulitiko ang patuloy na nararanasang eight hour brownout o power crisis sa rehiyong Mindanao.
Sa naging talumpati ni Pangulong Aquino sa ceremonial signing PHIVIDEC Industrial Authority at Filinvest Utilities Inc., sinabi nito na ang pagtalikod ng mga politiko sa Mindanao sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) at hindi nakapasok ang pribadong sektor kaya patuloy na ginamit hanggang malaspag ang hydropower plants ng National Power Corporation (NAPOCOR).
Sinasabing sa ilalim ng EPIRA ay malinaw na nakasaad dito na pinapayagan ang NAPOCOR na ibenta ang power plants sa mga pribadong negosyante para magamit ang kita sa pagbabayad ng utang ng ahensiya na mariing tinuligsa ng mga militanteng grupo dahil nagbigay daan ito sa deregulasyon ng power industry at walang humpay na pagtaas ng singil sa kuryente.
At sa naging pagdepensa naman ng Chief Executive sa EPIRA ay sinabi nito na binuwag ng batas ang sistema na nagpapahintulot sa mga politiko at iba pang mga opisyal na ipatupad kung ano ang kapaki-pakinabang sa kanilang interes sa politika, ang artipisyal na pagbaba ng singil sa kuryente lalo na kapag malaipit na ang halalan.
“EPIRA abolished the system that once allowed politicians and other officials to simply undertake what was politically convenient, that is: to artificially lower electricity rates just to gear up for coming elections. But the system—however and due to this—has remained the same in Mindanao,” anang Punong Ehekutibo.
Kaya nga aniya nang magsimula na ang administrasyong Aquino ay hinikayat nito ang pribadong sektor na pumasok sa power industry at magtayo ng power plants na inaasahang magtutuldok sa krisis sa enerhiya sa Mindanao hanggang 2015.
Sa kabilang dako, labis naman ang pasasalamat ng Pangulo sa tiwalang ibinigay ni Sultan Hasanal Bolkiah na maglalagak ng puhunan para sa natural gas sa Mindanao, gayundin sa Aboitiz at Philinvest.