NAIISIP na ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes Jr. na magbitiw na lang sa pwesto kasunod nang pinakabagong desisyon ng Korte Suprema na humahadlang sa desisyon ng poll body.
Nitong Martes ay nag-isyu ng Status Quo Ante Order ang mataas na hukuman laban sa implementasyon ng dalawang resolusyon ng poll body na naglilimita sa political advertisement ng mga kandidato.
Nangingilid naman ang luha nang humarap sa media si Brillantes at sinabing plano niyang makipag-usap kay Pangulong Benigno Simeon Aquino III upang hilingin na maglagay na lamang ng bagong Comelec Chairman at palitan na sya.
Aminado si Brillantes na dismayado siya sa mga inilalabas na desisyon ng Korte Suprema na kumukontra sa mga desisyon ng poll body.
Ayon kay Brillantes, sa nangyayari ngayon ay parang ang Korte Suprema na ang nagpapatakbo sa eleksyon sa bansa.
Nabatid na ito na ang ikaapat na pagkakataon na mistulang sinopla ng Supreme Court ang Comelec.
Nauna rito, hinarang ng Korte Suprema ang implementasyon ng notices ng Comelec laban sa Team Patay vs Team Buhay poster sa Bacolod; pagpasa sa kanila ng kaso ng mayoralty race case sa Imus, Cavite; at pagbalik sa poll body ng 54 party-list petition.
Ang pinakahuling desisyon ng Korte Suprema na kontra sa Comelec ay ang ginawa nitong pagharang nitong Martes sa resolusyon ng poll body patungkol sa airtime limits ng mga pol advertisements.