MATAPOS ang 13 taon ay binawi na ng Food and Drugs Administration (FDA) ang ipinatutupad na ban sa artificial sweetener na sodium cyclamate, na mas kilala sa tawag na magic sugar.
Ang pag-aalis ng ban sa artificial sweetener ay kasunod ng ilang international reviews ng World Health Organization at Food and Agriculture Organization, na nagsasabing wala namang anumang safety concern sa magic sugar mula sa milyong consumers nito.
Nakasaad sa FDA Advisory 2013-009 na pinapayagan na ang paggamit ng magic sugar at binabawi na ang FDA Advisory 2000-05, na nagbabawal sa importasyon, distribusyon at pagbebenta ng produkto.
Sa kabila naman nito, sinabi ni FDA director Dr. Kenneth Hartigan-Go na ang lahat ng importers, traders, at distributors ay inaatasang mag-apply para sa market authorization mula sa FDA upang matiyak ang tamang labelling at ligtas na paggamit ng produkto.
Matatandaang bago tuluyang inalis ang ban, may mga ulat na ilang street vendors ang nagtitinda ng mga pampalamig gamit ang magic sugar na ipinupuslit sa bansa.
Nauna naman nang ipinagbawal ng BFAD ang magic sugar noong taong 2000 matapos na matuklasang nagiging sanhi ito ng malalang sakit.
Nabatid na ang magic sugar ay ginagamit sa mahigit 100 bansa kabilang na ang Canada, Australia at ilang bahagi ng Europe.