SUMUKO na sa mga awtoridad ang magkasintahan na responsable sa panloloob sa isang sangay ng Pan de Manila sa Pasay City matapos matukoy ng pulisya ang kanilang tinutuluyang lugar sa Rizal.
Kinilala ni Pasay city police chief Senior Supt. Rodolfo Llorca ang mga suspek na sina Melchor Diaz, 20, ng 349 M. Mabini St., Cainta, Rizal at Cherrie Mae Castine, 20 ng Blk 10 Lot 24 Barangay Sta. Ana. Lupang Harinda, Taytay.
Unang ikinatwiran ni Diaz na nagawa nila ang panloloob upang matustusan ang pagpapagamot sa kanyang may-sakit na anak bago muli niyang binago ang deklarasyon at sinabing ang ina niya ang kanyang ipagagamot sa sakit na cancer.
Bago ang naturang pagsuko, sinalakay ng pulisya ang tirahan ng dalawa sa lalawigan ng Rizal subalit hindi sila dinatnan sa kani-kanilang tirahan.
Inamin ng mga suspek na sila ang nanloob sa sangay ng Pan de Manila sa Ariport Shopping Center sa Aurora Boulevard noong Linggo ng gabi at tumangay sa halos P15,000 salapi at dalawang mobile phone ng mga kawani.
Napag-alaman na dating empleyado ng naturang panaderya ang dalawa kaya madali nilang nakuha ang loob nina Joel Begino, 18, panadero at Kimberly Bautista, 21, kahera sa naturang sangay ng panaderya na pag-aari ni Nestor Lobangco matapos silang magtungo rito dakong alas-10 ng gabi.
Sa report ni PO3 Rodolfo Suquina ng Station Investigation and Detective Management Section ng Pasay police, hinampas ng matigas ng bagay sa batok ni Diaz si Begino habang nagmamasa ng gagawing pandesal bago tinutukan ng baril si Bautista.
Ikinulong ng dalawa ang mga biktima sa loob ng comfort room bago tumakas, tangay ang halos P15,000 cash at dalawang cellphone.