KRITIKAL ang isang college student, makaraang pagsasaksakin ng tatlong lalaki nang makialam sa gulo sa Bagong Silang, Caloocan City, Huwebes ng gabi.
Ang biktima na under observation sa East Avenue Hospital dahil sa mga saksak sa katawan ay nakilalang si Ruben A. Cadinang, 21 anyos, estudyante at nakatira sa Phase 3, Package 2, Block 48, Lot 10, Barangay 176, Bagong Silang, Caloocan City.
Kinilala naman ng pulisya ang mga naarestong suspek na sina Eniego M. Coprada, 20 anyos, estudyante ng Barangay 176 at Oliver T. Cortan, 21 anyos ng Phase 3, Package 2, Excess Lot, Bagong Silang, Caloocan City, habang nakatakas naman si Jemar Gamas, ng nasabi rin lugar.
Batay sa imbestigasyon ni SPO2 Constantino Guerrero, dakong alas-9:45 ng gabi ng mangyari ang insidente may ilang metro ang layo sa bahay ng biktima.
Lumitaw sa report ng pulisya na ang biktima ay naka-stand-by sa may bangketa sa kanilang lugar ng dumating ang mga suspek na armado ng patalim at sa hindi malamang dahilan ay inatake ang mga kaibigan ng biktima.
Dahil dito, lumapit ang biktima para payapain ang mga suspek, subalit siya ang pinagbalingan ng mga ito at pinagsasaksak sa katawan at saka mabilis na nagsitakas.
Sa isinagawang follow-up operation ng pulisya, naaresto ang dalawa samantalang tuluyang nakatas ang isa pang suspek at kasalukuyang isinasampa ang kakukulang kaso sa piskalya ng Caloocan City.