HAWAK na ng kanilang mga opisyal ang dalawang bagitong pulis na kapwa akusado at kasama ng apat na iba pang sangkot sa robbery extortion scam sa Muntinlupa City matapos sumurender sa kanilang mga superiors noong Martes.
Kinilala ang mga sumukong sina PO1 Dennis Quinto ng National Capital Region Police Office at PO2 Rigor Octaviano ng Pasay City police matapos silang mag-AWOL ng halos isang linggo sa kanilang mga duties.
Nakatakda silang humarap ngayon kay NCRPO Police Director Chief Superintendent Leonardo Espina at Southern metro police director Chief Superintendent Jose Erwin T. Villacorte sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.
Ang dalawang pulis at apat na iba pang pulis ay pawang nahaharap sa kasong criminal na kinabibilangan ng robbery extortion at illegal arrest at maaring mapatawan ng dismissal from the police force dahil sa iligal na pag-aresto sa mga biktimang sina Jennilind Rodriguez at kasambahay nitong si Kevin Bajar ng Muntinlupa City at kinargahan ng kasong iligal na droga at hinihingan umano ng halagang P12,000. Bilang areglo.
Unang naaresto sina PO2 Herminigildo Emasa Gajeto Jr. ng Southern metro police district at PO1 Ryan Hallegado Manga ng Parañaque police ng mga elemento ng Anti-Kidnapping Group sa isang entrapment at rescue operation.
Habang nananatiling nagtatago pa rin sina PO2 Michel Marcos at PO2 Domingo Abarico, kapwa nakatalaga sa SPD at ideneklarang AWOL (absent without leave) mula pa noong Martes ng nakaraang lingo.
Si Quinto ay nasa kustodiya ngayon ng NCRPO-Regional Police Holding Administrative Unit, habang si Octaviano ay nasa pangangalaga ng SPD headquarters sa Fort Bonifacio, Taguig.