MATINDING demoralisasyon ngayon ang nagaganap sa tanggapan ng Department of Education (DepEd) kaugnay ng nagtambakang empleyado na may COS status o contract of service personnel.
Naghahatid umano ito ng sobrang demoralisasyon sa mga matatagal nang kawani lalo na sa rank and file dahil sa wala naman halos ginagawa ang mga ito ayon sa DepEd National Employees Union (DepEd NEU).
Ayon kay DepEd-NEU president, Atty. Domingo Alidon, aabot na sa mahigit limampung COS ang itinalaga sa iba’t ibang tanggapan ng Kagawaran.
“Bakit kumuha ng COS, eh, kaya naman gampanan ng mga permanent employees ang tungkulin ng mga COS, di sana malaki ang natipid ng DepEd.” ani Atty. Alidon.
Binanggit rin ng pambansang pangulo na mayroong tig-9 na COS sa Office of the Secretary at Undersecretary for Programs and Projects, 7 sa Adopt-A-School Secretariat, tig-5 sa USEC for Legal Affairs at Communication Unit, tig-4 sa Director for Administration Service at DepEd Action Center, tig-2 sa USEC for Finance, ASEC for Planning at USEC for Regional Operations at 1 sa ASEC for Finance.
Ayon pa kay Atty. Alidon, naglalaro sa P20,000 kada buwan ang sinasahod ng mga nasabing COS.