ITINAKDA na ng Commission on Elections (Comelec) sa Martes, Abril 16, ang summary hearing sa mga kaso ng partylist group na nabigyan ng status quo ante order ng Korte Suprema kamakailan.
Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr., ang summary hearing ay isasagawa kasunod na rin ng kautusan ng Korte Suprema na muling tukuyin ng Comelec kung nararapat bang pagkalooban ng akreditasyon ang mga nasabing grupo, batay sa bagong panuntunan na inilatag ng hukuman kaugnay sa mga grupong papayagang makalahok sa partylist elections.
Sinabi pa ni Brillantes na nais niyang gawing araw-araw ang summary hearing dahil maraming kaso ng partylist group ang kailangan nilang desisyunan.
Nabatid na mula sa 54 na grupong dumulog sa Korte Suprema, 41 ang dedesisyunan ng Comelec kung dapat bang makasali sa 2013 midterm elections o hindi.
Ang kaso naman ng 13 iba pa ay may kinalaman kung papayagan bang tumakbo sa partylist elections sa 2016.
Kasunod nito, binigyang-diin naman ni Brillantes na wala silang gaanong adjustment na gagawin dahil ang 41 grupo ay napasali naman sa pag-iimprenta ng balota.
Aniya, sakali namang may ilang grupo na hindi papasok sa itinakdang panuntunan ng Korte Suprema, hindi na lamang bibilangin ang boto para sa mga ito sa araw ng canvassing.