GINUGUNITA ngayong araw sa Pilipinas ang ika-71 taon ng “Araw ng Kagitingan”.
Ang selebrasyon ngayong taon ay may tema na “Beterano, sigla at inspirasyon ng kabataan tungo sa matuwid na daan”.
Kaninang alas-5:00 ng umaga nagsimulang umakyat sa Mount Samat sa Pilar, Bataan ang mga beterano ng World War II kasama ang kanilang pamilya.
Umakyat din sa naturang bundok ang mga kasapi ng Boy Scouts of the Philippines at Girl Scouts of the Philippines upang lumahok sa selebrasyon.
Nabatid na sarado na ang kalsada na nag-uugnay sa paanan ng Mt. Samat hanggang sa Dambana ng Kagitingan.
Kilala rin sa tawag na “Bataan Day” ang “Araw ng Kagitingan” na ipinagdiriwang sa bansa tuwing ika-9 ng Abril.
Inaalala ang kagitingan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano na nagsakripisyo at nagbuwis ng buhay noong WW II.
Ayon sa kasaysayan, libu-libong kawal na Pinoy at Kano ang namatay sa tinatawag na “Bataan Death March” dahil sa pagbagsak ng Bataan sa kamay ng puwersang Hapones.