PINASUSUPINDI ng Ombudsman si Commissioner Alfredo Y. Po ng Professional Regulations Commission o PRC dahil sa dalawang kasong kinakaharap nito.
Ipinag-utos ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na isalalim sa anim na buwang preventive suspension si Po.
Kabilang sa mga kasong ito ay ang paghingi at pagtanggap (soliciting and accepting) ng suhol at ang hindi nareremit na koleksiyon para sa Philippine Society of Mechanical Engineers.
Nilinaw ng Ombudsman na ang naturang preventive suspension nang walang suweldo ay naaayon sa probisyon ng Section 9, Rule II of Administrative Order 7, as amended at ng Section 24 of Republic Act 6770.
Ang bisa ng suspensiyon ay mananatili rin, aniya, habang hindi pa nalulutas ang kaso laban kay Commissioner Po ngunit hindi naman lalampas ng anim na buwan.
Batay sa apat na pahinang resolusyon na nilagdaan ni Ombudsman Morales noong January 9, 2013 at pinalabas sa media noong January 10, 2013, matibay ang mga ebidensiya na si Po ay nagkasala ng Grave Misconduct at paglabag sa Section 7(d) ng Republic Act No. 6713.
“The concurrence of the conditions that would necessitate the preventive suspension of Respondent Po is clearly present in this case”, saad sa resolution.
Una rito ay inaresto sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation si Po noong December 5, 2012 habang tinatanggap mula sa isang Atty. Ernesto De Los Santos ang P42,000 na monthly commission at P 394,000 broker’s commission.
“Commissioner Po allegedly solicited said fees as consideration for his intervention in the approval of the Lease Contract in favor of De Los Santos, owner-lessor of the building that will house the PRC’s satellite office located at 141 Abanao Extension, Baguio City”, paliwanag pa sa resolution.
Samantala, sinabi rin ng Ombudsman na nagkaroon ng P728,539.59 mula sa mga board passer ng mechanical engineering noong 2005 at 2006 ngunit hindi iniremit ni Po.