INILIBING na ang lalaking pumatay sa pitong katao sa Kawit, Cavite nitong nakaraang Enero 4 habang wala namang piyansang inirekomenda ang korte laban sa alalay nitong si John Paul Lopez.
Si Ronald Bae ay inilibing sa Angelus Memorial Park sa Cavite, halos isang linggo matapos itong walang habas na mamaril sa kanyang mga kapitbahay sa Tabon 1 village sa Kawit. Nabaril din ito at napatay ng mga rumespondeng pulis.
Sa kabilang dako, ang tumayong alalay nito na si Lopez ay kinasuhan na sa Cavite provincial prosecutor’s office.
Napatunayan na may basehan ang prosecutor’s office para kasuhan si Lopez ng five counts of murder, two counts of murder in relation to the women and children’s protection act, seven counts frustrated murder, four counts frustrated murder in relation to the women and children’s protection act, two counts attempted murder in relation to the women and children’s protection act at one count attempted murder.
Mahaharap din si Lopez ng kasong paglabag sa anti-drug act at illegal possession of firearms, ayon pa sa ulat.
Walang piyansang inirekomenda para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Sinabi naman ni Provincial prosecutor Emmanuel Velasco na hindi sila naniniwala sa pahayag ni Lopez na siya ay napalitan lamang na tulungan si Bae sa paglalagay ng bala sa baril nito dahil tinututukan siya nito ng baril.
Sinabi rin ni Velasco na kaya naman ni Lopez na pigilan ang pagwawala ni Bae pero hindi nito ginagawa.