NAGSAGAWA ng kilos-protesta ang may 100 kawani ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa compound ng kanilang tanggapan sa Quezon City upang kalampagin ang pamahalaan na pagbitiwin na sa puwesto si Agrarian Reform Secretary Virgilio delos Reyes.
Ayon kay Department of Agrarian Reform Employees Association (DAREA) President Naneth Pascual, nabigo si Delos Reyes na ipatupad ang tunay na repormang agraryo at bigo ring maibigay ang benipisyo ng mga kawani ng Kagawaran.
Sinabi pa ni Pascual na nalalagay din sa krisis ang repormang agraryo ni Pangulong Benigno Aquino III dahil sa kabiguang maipatupad ang nasabing programa dahil sa maling pamamalakad ng kalihim.
Nauna rito, nitong nakalipas na buwan sinimulan ng 57 magsasaka ng Task Force Mapalad ang kanilang hunger strike para hilingin kay Pangulong Aquino ang pagpapatalsik sa puwesto kay Sec. Delos Reyes.
Ito’y dahil sa kabiguan ni Delos Reyes na maipatupad ang repormang agraryo sa lalawigan ng Negros Occidental.