ISASALANG sa pagbabalik ng en banc session ng Commission on Elections (Comelec) upang masusing matalakay kung itutuloy sa Mayo 2013 ang eleksyon sa mga naapektuhang lugar ng magkakasunod na kalamidad.
Ayon kay Comelec Commissioner Grace Padaca, wala naman silang nakikitang malaking hadlang dahil nasa right track at natapos naman na ang voters registration ng mga Comelec offices doon alinsunod na rin sa kanilang timetable.
Gayunman, inihayag nito na mainam na mapag-usapan muna ng mga stakeholders ang bagay na ito bago magpasya sa anumang magiging proseso ng halalan sa mga typhoon affected areas.
Una rito, ipinanukala ng NDRRMC na ipagpaliban muna ang eleksyon sa ilang munisipalidad ng Davao Oriental at Visayas na ilang tanggapan ng gobyerno at mga paaralan ang winasak ng sama ng panahon bunga ng Bagyong Pablo at Quinta.