IDARAOS na ng Commission on Elections (Comelec) ang final testing at sealing sa mga Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine sa mga lugar sa ibang bansa na pagdarausan ng overseas absentee voting (OAV) para sa 2013 midterm elections mula Abril 7-12.
Nakasaad sa notice ng Comelec na gagawin ang pinal na pagsusuri at pagseselyo sa mga PCOS machine sa pitong lugar sa ibayong dagat kabilang ang Hong Kong, Singapore, Riyadh at Jeddah sa Saudi Arabia, Abu Dhabi at Dubai sa United Arab Emirates at Kuwait.
Kaugnay nito, inaabisuhan naman ang lahat ng mga senatorial candidate, party list group, political parties at accredited citizen arm groups para magpadala ng mga watcher sa nabanggit na petsa.
Una nang tinukoy ni Comelec Commissioner Lucenito Tagle, Chairman ng Committee on Overseas Absentee Voting, na 36 na mga karagdagang PCOS machine ang hiniling para sa OAV.
Ang bawat OAV post ay hindi bababa sa 20 libo ang registered voters.