NAGPALABAS ng anunsiyo ang pamunuan ng Department of Trade Industry (DTI) na balik na sa normal ang presyo ng mga isda matapos ang nagdaang Semana Santa at tumaas ito ng P10 hanggang P30 pesos kada kilo.
Sa isinagawang monitoring ng DTI sa palengke ng Mutya ng Pasig at Pasay City Market, ang presyo ng bangus ay nasa P110 kada kilo, tilapia P80, galunggong P100, hipon P360, dalagang bukid P140, pusit P180.
Sa paliwanag ni DTI undersecretary Zenaida Maglaya, nagmahal ang presyo ng isda dahil tumaas ang demand noong Mahal na Araw at ito’y dahil sa umiiwas kumain ng karne ang mga katoliko.
Bukod pa rito, maliwanag din ang buwan noong nakaraang linggo kaya nahirapan manghuli ang mga mangingisda.
Dagdag pa ni Maglaya, sa ngayon ay tumaas naman ang presyo ng kada kilo ng karne kung saan ang karne ng baboy ay nasa P180 kada kilo, karneng baka ay nasa P260 hanggang P270.
Katwiran naman ng mga nagtitinda na mataas ang kuha nila kaya napilitan din silang magtaas ng presyo ng karne.
Pinayuhan naman ng DTI ang publiko na isumbong sa kanilang DTI hotline 751-33-30 at 0917-834-3330 ang mga tinderong malaking magpatong ng presyo ng kanilang tinitindang mga karne.
Hinimok din ni Maglaya ang publiko na bumili na lamang sa kanilang mga suking tindera upang masigurong sariwa, tama sa timbang at tama din sa presyo.