MASANGSANG na amoy ang naging susi kaya nadiskubre ang halos naaagnas nang bangkay ng isang babae sa loob ng isang silid ng apartment kaninang umaga sa Pasay City.
Pinagpipiyestahan na ng mga langaw at langgam ang bangkay ng isang babae na nakilala lamang sa alyas “Annie,” natagpuan sa loob ng room 3 ng Building Apartment sa 123 Humildad St. matapos pwersahang pabuksan dahil umaalingasaw na ang masangsang na amoy mula rito.
Ipinagbigay alam ng iba pang nangungupahan sa naturang apartment ang masangsang na amoy sa may-ari nito na si Sally Mercadal kaya pwersahan na nila itong binuksan dakong alas-8:30 ng umaga kung saan tumambad sa kanila ang nagsisimula nang maagnas na bangkay ng biktima.
Sa imbestigasyon nina SPO3 Allan Valdez at SPO1 Roy Ramos ng Homicide Section ng Pasay Police, natuklasan na tumatayo lamang bilang caretaker ng naturang silid ang biktima.
Nagtungo sa kanilang lalawigan sa Tanglaw, Bohol ang tunay na nangungupahan sa silid na si Mary Jane Gozun noon pang Marso 6 at pinakiusapan ang biktima na siya munang magbantay sa silid at mag-alaga sa naiwang aso.
Nakausap naman sa cellphone ng pulisya si Gozun at kinumpirma na pinakiusapan lang niya si Annie, na nakilala lamang sa Humildad St., na magbantay sa kanyang inuupahang silid at wala siyang alam kung dati ng may tinataglay itong karamdaman.