ISA ang patay habang lima ang sugatan makaraang pagbabarilin ng isang gun for hire habang nagsasagawa ng last supper ang mga biktima sa Poblacion, Libertad, Misamis Oriental kagabi.
Kinilala ang namatay na si Soproni Bombeo, 50, ng Barangay Taytayan, nasabing bayan, nagtamo ng 12 tama ng bala mula sa 9mm pistol.
Nadamay din ang kasamahan ng biktima na sina Lusita Sebelius, Leman Mark Juliada, Christine Mae Poblete, Santos Acain at Felixberto Villarin na kabilang sa nagsasagawa ng “last supper” sa training center bilang bahagi ng pag-aayuno sa araw ng Huwebes Santo.
Patuloy na nagsasagawa ang pulisya ng imbestigasyon sa krimen kung saan naniniwala ang awtoridad na posibleng gun-for-hire ang tumira sa mga biktima.
Napag-alaman na noong 2009 ay may tinaga si Bombeo na kanyang kaanak na posibleng naghihiganti sa kanya ngayon.