ISA ang patay habang tatlo naman ang nasugatan nang magsalpukan ang dalawang traysikel sa Pangasinan, Martes ng gabi, ayon sa ulat kaninang umaga (Marso 28) ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Dead on the spot sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan ang biktima na si Romulo Alzate Bernabe, 34-anyos, drayber ng Lifan tricycle.
Sugatan naman ang magkapatid na sina Manuel, 36-anyos; at Jason Obillo, 17-anyos; at isang nagngangalang Rodolfo Brendia, 17-anyos.
Isinugod sila sa Ordonez Hospital at Polymedic and Trauma Hospital sanhi ng tinamong kapansanan sa iba’t ibang parte ng katawan.
Sa 6:00 a.m. update, sinabi ng NDRRMC na ang insidente ay naganap ng alas-10:00 ng gabi nitong nakaraang Martes sa Villasis-Asingan Provincial Road sa Poblacion Zone I.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumabas na nag-overtake ang isang Suzuki tricycle na hindi nakuha ang pangalan sa isa pang sasakyan.
Lingid sa drayber nito, paparating pala ang traysikel na minamaneho ni Bernabe at sa isang iglap ay nagsalpukan ang magkasalubong na traysikel.
Sa mas malalim pang imbestigasyon, lumabas na walang plate number ang traysikel ni Bernabe at wala rin itong ilaw o headlight.