NAKAALERTO ang pamunuan ng Philippine Red Cross (PRC) ngayong Semana Santa para umalalay sa libu-libong pasahero na uuwi sa kani-kanilang probinsya.
Sinabi ni PRC Secretary General Gwendolyn Pang, na nagtalaga na sila ng 1,250 staff at volunteers sa mga pangunahing lansangan simula pa noong Marso 26 hanggang Abril 2.
Ang kanilang mga tauhan na mula sa buong Red Cross Chapters ay nakaalareto aniya 24 oras upang magbigay ng first aid assistance, ambulance service at iba pang medical assistance.
May 37 kabuuang Red Cross chapters ang umiikot sa bansa na may 117 first aid stations at 37 ambulances na nakatalaga sa 25 gas stations, 36 highways, 31 swimming areas, 19 simbahan, dalawang pangunahing bus terminals at apat sa sea ports.
Tiniyak ng PRC ang seguridad at mabilis na pagresponde kung sakaling magkaroon ng aksidente kung saan maglalagay sila ng tent, help and welfare desks at first aid stations sa mga pangunahing daanan at mga gasolinahan.
Sa mga beach resort at lugar na dinarayo ng mga turista ay mayroon din namang itatayong Beach Patrol at First Aid Stations.
Para matiyak naman ang kaligtasan ay nagpaalala naman ang PRC sa mga mga motorista hinggil sa ’10 Road Safety Commitments for the motorists’.
Ito ay ang mga sumusunod:
- Gamitin ang seatbelt
- Magsuot ng helmet kung nakasakay sa motorsiklo
- Magmaneho sa tamang bilis at distanya na angkop sa kundisyon
- Huwag magmaneho kung nakainom
- Huwag gumamit ng cellular phones habang nagmamaneho
- Dapat matanaw ang taong naglalakad o nagbibisikleta
- Alamin at respetuhin ang mga alintuntunin sa daanan
- Panatilihing nasa maayos na kundisyon ang sasakyan
- Dapat may lisensiya at sanay sa minamanehong sasakyan
- Alam kung paano tumugon kung sakaling may makabanggang sasakyan
Ito rin aniya ang tamang panahon para isakatuparan ang Safety Services Program dahil marami ang nasa bakasyon, “We have various programs which are very relevant and practical to implement this season.”
Nabatid na ang Safe Summer Campaign kung saan saklaw ang safety institute, first aid, basic life support training pati na rin ang swimming courses ay isa sa mga
Safety Services Program ng PRC.