(UPDATE) Para lalo pang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero ngayong Holy Week, ikinasa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Metro Manila Development Authority (MMDA) ang random drug testing para sa mga bus driver kaninang umaga.
Sinabi nina MMDA Chairman Francis Tolentino at ni PDEA chief Arturo Cacdac, na ang hakbang na ito ay para matiyak na walang drayber na bibiyahe na nasa ilalim ng ipinagbabawal na droga para sa kaligtasan ng mga mananakay.
Ikinasa ang random drug testing sa Araneta Bus Terminal sa Cubao, Quezon City, at pinapirma muna sa consent forms ang mga tsuper ng bus bago kinuhaan ng 60-ml sampol ng kanilang ihi.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentinio, hindi nila papagayang makabiyahe ang sinumang magpostibo sa drug test.
Mahaharap rin aniya sa kaso ang mapatutunayang gumagamit ng ipinagbabawal na droga.
Kaugnay ng drug test, sa loob lamang ng lima hanggang 10 minuto ay malalaman na ang resulta nito.
Gayunman, nilinaw ng ahensya na screening process pa lang ang nasabing hakbang. Kailangan pang isalang sa confirmatory test ang specimen para sa mas malalimang pagsusuri.
Inaasahan na magsisiuwian ngayong linggo sa kani-kanilang probinsya ang mga Pinoy para sa Holy Week break.
Sa pagtaya ng mga kinauukulan, bukas, Miyerkules Santo, inaasahang mas dadagsa pa ang mga magsisiuwian sa probinsya.