SIMULA ngayong araw ay ipinatupad na ng Makati Regional Trial Court (RTC) ang “media gag” hinggil sa isyu sa pagitan ng dating mag-asawang sina TV host actress Kris Aquino at PBA player James Yap matapos magkasunod na lumabas sa media ang dalawa upang magsalita sa kanilang panig hinggil sa kinakaharap nilang problema.
Tumanggi nang maglabas ng anumang pahayag si Atty. Frank Chavez, abogado ni Aquino, bilang pagsunod at respeto sa inilabas na kautusan ni Judge Liza Marie Picardal-Tecson, presiding judge ng Makati RTC Branch 144.
Dinidinig din ng naturang korte ang petisyon para sa “hold departure order (HDO)” na isinampa naman ni Yap noong Marso 20 upang harangin na makaalis ng bansa si Aquino matapos lumabas ang balita na plano nito na mangibang-bansa kasama ang anak na si “Bimby”.
Inaasahan naman na mailalabas agad ang desisyon sa HDO habang tanging ang mga abogadong sina Chavez at Lorna Kapunan ang sumipot para sa kanilang mga kliyenteng sina Aquino at Yap.
Sa paliwanag ni Kapunan, ang inilabas na “gag order” ng korte ay para sa magkabilang kampo kung saan ay mananatili umano ito hanggang makapagpalabas ang korte ng kautusan hinggil sa kahilingan ni Aquino na “Permanent Protection Order” pumabor man ito sa kanyao hindi.
Matatandaan na unang pinagbigyan ng korte ang pagpapalabas ng “temporary protection order (TRO)” pabor kay Aquino upang pansamantalang hindi makalapit si Yap sa kanilang mag-ina at epektibo ito ng 30 araw. Magbibigay naman umano sila ng dagdag na ebidensya upang maging permanente ang TPO sa pagdinig sa Abril 8 at Abril 10.
Napanood sa telebisyon ang tugon ni Yap sa akusasyon ni Aquino ng tangka umanong pagpipilit sa kanya na makipagtalik na itinanggi ng basketbolista.
Sunod na lumabas sa telebisyon si Aquino kasama pa ang kanyang mga kapatid na babae at nagpalabas ng mga bagong pahayag sanhi upang maging napakalaking kontrobersya ang isyu sa buong bansa.