PINAGTIBAY ng Court of Appeals ang naunang kautusan na pumapabor sa hiling na extradition ng gobyerno ng Hong Kong sa isang dating opisyal ng Central Bank of the Philippines na nahaharap sa kasong kriminal dahil sa iligal na pagtanggap ng bayad mula sa isang subsidiary ng Standard Chartered Bank.
Sa pitong pahinang amended decision na isinulat ni Associate Justice Hakim Abdulwahid, ibinasura ng CA Sixth Division ang apelang inihain ni Juan Antonio Munoz, dating namumuno ng Treasury Department ng Central Bank.
Ayon sa CA, may probable cause para katigan ang hiling na extradition kay Munoz batay na rin sa petisyong inihain sa hukuman, at sa mga dokumentong isinumite ng gobyerno ng Hong Kong.
Tinukoy ng hukuman na dapat pa ring ituloy ang extradition dahil si Munoz ay nahaharap pa rin sa kasong conspiracy to defraud na katumbas ng kasong swindling o estafa at paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft Law sa Pilipinas.
Nauna nang pinaburan ng hukuman sa Maynila ang extradition ni Munoz dahil nakatugon naman umano ang mga dokumentong isinumite ng Hong Kong Government sa itinakdang mga rekisito sa ilalim ng RP-Hong Kong Extradition Treaty.
Kinatigan naman ng CA sa desisyon nito nuong 2012 ang ginawang pagbasura ng mababang hukuman sa argumento ni Munoz na ang nasabing extradition treaty ay hindi na umiiral makaraang maging bahagi ng China ang Hong Kong noong July 1, 1997.
Iyon ay dahil mayroon pa namang kapangyarihan ang Hong Kong na pumasok sa mga pandaigdigang kasunduan kasama na ang extradition treaty kahit pa naging bahagi na ito ng China.