NATANGAYAN ng kalahating miyong pisong halaga ng pera at gamit ang isang ginang matapos mabiktima ng hinihinalang akyat bahay sa Quezon City, Huwebes ng gabi.
Nagharap ng reklamo sa himpilan ng pulisya ang biktima na kinilalang si Rolia Villanueva, 61-anyos, may-asawa, taga-Tortoes St., Brgy. North Fairview Subd., Batasan, QC.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police District station 6 Batasan, naganap ang insidente sa pagitan ng 8:00 ng umaga nitong nakalipas na Marso 20, 2013 hanggang 11:30 ng gabi nitong Marso 21, 2013 sa bahay ng biktima sa naturang lugar.
Sinabi sa ulat na walang tao sa bahay ng complainant nang maganap ang panloloob ng mga hinihinalang “akyat bahay”.
Winasak ng mga suspek ang pintuan at bintana ng bahay ng biktima at tinangay ang nasabing halaga ng salapi at kagamitan.