HINDI bababa sa kanyang pwesto si Leyte Rep. Lucy Torres-Gomez sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema na siya ay patalsikin.
Ipinaliwanag ng kongresista na hindi pa pinal ang desisyon ng SC bukod dito ay hindi pa rin aniya natatanggap ng kanyang abogado ang kopya ng desisyon.
Ito aniya ang dahilan kung bakit nagdesisyon ang kaniyang kampo na maghain ng motion for reconsideration (MR).
Ani Torres-Gomez, kahit pa madaliin ng kanyang kalaban na si dating Rep. Eufrocino Codilla Jr. ang proseso ay hindi pa rin ito maaaring pumalit sa kanyang pwesto dahil wala siyang mandato.
Sinabi pa ng mambabatas na mananatili siya sa pwesto hanggang wala silang natatanggap na kopya ng resolusyon ng Korte Suprema.
Pinabulaanan din ng kongresista na ang kautusan ng SC ay may kinalaman sa kanyang muling pagtakbo ngayon darating na midterm elections sa Mayo.
Matatandaan na nagpalabas ng desisyon ang SC na nagpapatalsik kay Torres-Gomez bilang kongresista ng Ormoc dahil sa hindi balido ang pag-substitute nito sa asawang si Richard Gomez na nadiskuwalipika bunga ng kwestyunableng residency status nito.