SA kabila ng inilabas na suspension order ng Ombudsman laban sa dalawang konsehal ng pamahalaang lungsod Quezon tila nabalewala ito dahil natapos na ang anim na buwang suspensiyon na ipinataw sa kanila magmula ng ilabas ang kautusan ng Ombudsman noong Mayo 18, 2012.
Magugunitang sinuspinde ng Ombudsman sina Dist. II Councilor at actor na si Roderick Paulate at Dist. 1 Councilor Francisco “Boy” Calalay matapos silang masangkot sa isyu ng “Ggost employees.”
Maliban dito, naharap din sa patong-patong na mga kaso ang dalawang konsehal na kinabibilangan ng serious dishonesty , gross neglect of duty, grave misconduct, falsification of public documents at conduct prejudicial to the best interest of the service dahil sa kuwestiyunableng pagpapasuweldo sa sinasabing mga “ghost employees.”
Ayon sa ilang political observers , nababahala sila ngayon dahil nalalapit na muli ang eleksiyon subalit tila hindi naipatupad ang suspensyon order laban sa dalawang konsehal.
Nauna rito magugunitang naglabas ng kautusan ang Office of the Ombudsman ng anim na buwang preventive suspension noong May 18, 2012 laban kina Calalay at Paulate at magtatapos sana noong Nobyembre.
Ikinatwiran ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nagawa na nila ang kanilang tungkulin at naipatupad na nila ang kautusan laban sa dalawa mula pa noong July 25, sa kabila ng pagtanggi ng mga staff ng dalawang konsehal na tanggapin ang kopya ng kautusan laban sa kanila .
Kaugnay nito, iniutos naman ni QC Mayor Herbert Bautista na imbestigahan ang kaso at binigyan niya ng pagkakataon ang dalawang konsehal na sagutin ang kautusan kung bakit sila hindi puwedeng suspendihin.