KUWENTONG-KUTSERO at inimbento lamang ang bagong pasabog ni Princess Jacel Kiram, anak ni Sultan Jamalul Kiram III na may “relasyon” sina Pangulong Benigno Aquino III at Sultan Ismail Ibrahim kaya nahihirapan ang Punong Ehekutibo na solusyunan ang isyu ng Sabah.
Sa katunayan ay hinamon ni Presidential spokesman Edwin Lacierda si Princess Jacel na sagutin at ipaliwanag sa publiko ang inilabas niyang litrato na Malaysian casualties gayong Thai casualties ang nasa larawan.
“Magbibigay na naman siya ng bagong tall tale,” diing pahayag ng opisyal sabay sabing “Ipaliwanag muna ni Jacel ito. Kasi ang dami na naming naririnig sa kanila. Meron pa nga kaming isang kwento na i-renounce lang niya ang sultanate, gagawing presidente ang tatay niya.”
Nakakatawang isipin aniya na ang daming kwento na lumalabas sa kampo ng mga Kiram na malinaw naman na pag-aaksaya lamang ng panahon at oras para sagutin at patulan pa.
Inamin ni Sec. Lacierda na hindi niya alam kung sino at ano talaga ang tinutukoy ni Princess Jacel na kung papatulan nila ay magmumukha lamang silang tanga.
“Hindi ho namin talaga alam kung… Well, you know, just… This is getting really ridiculous. Everyday they’re coming out with tall tales. You know, people should stop listening to tall tales,” ayon kay Sec. Lacierda.
Samantala, natatawa ring sinabi ni Lacierda na walang relasyon sina Pangulong Benigno Aquino III at ang kapatid ni Sultan Jamalul Kiram III na si Sultan Ismail Ibrahim.
“Sino si… ‘Yung kapatid? Anong relasyon? Bakit si Sultan… Anong rela[syon]? Wala. Wala silang relasyon,” anito sabay tawa ng malakas.