KINALAMPAG ni Senador Manny Villar ang papasok na senatoriables sa Senado na suportahan ang panukalang batas laban sa “No Permit, No Exam Policy” sa lahat ng paaralan sa buong bansa na inihain noong pang 2011.
Sinabi ni Villar na matagal na niyang inihain ang Senate Bill 2992 o ang Anti-No Permmit, No Exam Act sa Senado noong Agosto 3, 2011. Naipasa naman sa Mababang Kapulungan ang katulad na bersiyon nito na inihain ni Las Pinas Rep. Mark Villar.
“Ito ang isa sa mga panukalang batas, na hinihiling ko sa aking asawang si Cynthia, sakaling manalo siya, na isulong sa senado,” ayon kay Villar.
Ayon kay Villar, panahon na para maputol ang patakarang ito ng mga eskuwelahan na salungat sa karapatan ng mga mamamayan sa edukasyon.
Ginawa ni Villar ang pagsusulong sa panukalang batas sa kanyang pagsasalita sa ‘homecoming parade’ ng University of the Philippines Vanguard, Inc., noong Sabado.
Sa ilalim ng panukalang batas ni Villar, hindi na kinakailangan na kumuha ang mga estudyante ng permit bago makakuha ng midterm o final examination. Sinumang eskwelahan na magbabawal sa mga estudyante ng eksaminasyon dahil sa kulang o hindi pa bayad ang kanilang matrikula, ay papatawan ng kaparusahan sa ilalim ng batas.
Gayunman, pinangangalagaan din ng panukalang batas ang karapatan ng mga eskwelahan. Sa panukala ni Villar, hindi irerelis ng mga eskuwelahan ang grades o kaya’y hindi bibigyan ng clearance ang mga estudyante, bukod sa hindi rin sila papayagan na makapag-enrol sa susunod na semester hangga’t may kulang pa sila o di pa nababayaran ang kanilang matrikula.
Ipinagbabawal din sa ilalim ng panukalang batas ang pagbabayad ng ‘down payment’ o unang hulog na katumbas ng 30-porsiyento ng tuition fee sa enrolment. Bawal din ang pagbabayad ng iba pang bayarin para sa buong semester o sa kabuuan ng kurso.