HANGGANG sa ngayon ay hindi pa rin nakikita sa Tawi-Tawi si Raja Muda Agbimuddin Kiram, lider ng tinatawag na Royal Security Forces na sumugod sa Lahad Datu para hayagang angkinin ang isla ng Sabah sa Malaysia.
Sa panayam kay Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) Governor Mujiv Hataman sa paggunita ng ika-45 Jabidah Massacre Anniversary sa Corregidor Island, Cavite ay inamin nito na noong Marso 1 o Marso 2 ay nakausap ni Agbimuddin Kiram si Sultan Esmail Kiram kung saan ay nagpapakuha na sa kanila si Agbimuddin Kiram mula Lahad Datu.
“Una, sa ngayon, hindi natin pa nakikita (siya) sa Pilipinas. Pero ang Malaysian government meron na silang declaration na wala nang Royal Security Forces sa Lahad Datu. And, in fact, ‘yung humanitarian mission natin kung saan nag-pwesto ang lahat ng royal forces, as of three days ago, kausap ko mismo ‘yung head ng CMC—si Ambassador (Ed) Malaya—at napapasok na nila lahat ‘nung area,” anito sabay sabing “At that time, gusto niyang magpakuha. Pero sigurado ako sasabihin ‘nung taga-Taguig dito na hindi totoo. Pero sabihin ko, from (March) 1, 2, 3, 4, 5—at kami ni Governor Sadikul, si Sultan Esmail (Kiram)—nakausap namin mismo si Agbimuddin at that time nagpapakuha na.”
Makailang ulit na sinani ni Gov. Hataman na wala talaga siyang ideya kung nasaan si Agbimuddin Kiram.
Samantala, taon-taon aniya ay ginugunita at ipinagdiriwang ang Jabidah Massacre. At ngayong taon ang kauna-unahang pagkakataon na may isang pangulo ng bansa ang nakiisa sa nasabing okasyon.
Sa kabilang dako, pinabulaanan naman ni Gov. Hataman na bahagi ng damage control ng pamahalaan sa isyu ng Sabah ang pagtugon ni Pangulong Aquino na maging bahagi ng okasyong ito.
“Kasi first time ko lang din nag-invite sa Pangulo mula ‘nung, ano… First time ko rin talagang nag-invite sa kanya kasi ‘nung first, second, third (meetings) namin, hindi pa ganito ka-developed. Parang matagal na naming discussion ito pero at that time hindi pa rin ako nag-invite. Parang two weeks or three weeks ago talagang na-discuss namin ni Presidente. Sabi ko baka pwede; sabi niya mas maganda ‘yan para ma-correct natin kung ano ‘yung mali ng nakaraan,” anito.