HUMARAP na si Jachob Coco Rasuman sa pagdinig kanina sa DOJ kaugnay ng kinakaharap niyang reklamong syndicated estafa na nag-ugat sa pag-ooperate niya ng pyramiding scam sa Lanao del Sur at iba pang kalapit na lugar sa Mindanao.
Si Rasuman ay dumating sa DOJ nang nakasuot ng itim na damit at nakatakip ang mukha ng face mask habang gwardiyado ng mga armadong kagawad ng NBI.
Sa harap ng panel of prosecutors, pinanumpaan ni Rasuman ang isinumite niyang counter affidavit.
Ayon sa kanyang abugado na si Atty. Anthony Marvin Ponce de Leon, may kinalaman ang reklamo sa consolidated complaints na isinampa ng may 13 hanggang 15 indibidbwal na nag-invest sa kumpanya ni Rasuman.
Sa kanyang kontra salaysay, itinanggi ni Rasuman ang mga paratang laban sa kanya lalo pa’t ilan sa mga investor na complainant sa kaso ay hindi naman niya personal na nakaharap.
Kinukuwestiyon din ng kampo ni Rasuman ang ligalidad ng isinampang reklamo dahil naniniwala silang hindi dapat syndicated estafa ang isinampang kaso kundi dapat ay reklamong simple estafa lamang.
Nanindigan din si Atty. Ponce de Leon na may lehitimong negosyo si Rasuman at ito ay sole proprietor ng isang car trading business na kailanman ay hindi nag-operate sa ilalim ng Ponzi Scheme na ginagamit sa mga pyramiding scam para makaakit ng maraming investor.
Dahil dito, sinabi ni Ponce de Leon na dapat ay ibasura ng DOJ panel of prosecutors ang kaso laban sa kanyang kliyente dahil sa kawalan ng sapat na batayan.
Una rito, nasampahan na si Rasuman ng tatlong kaso ng syndicated estafa sa Cagayan de Oro City dahil sa kinasangkutan niyang pyramiding scam.