ISA pang alipores ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III ang nabaril at napatay sa isang engkuwentro sa Sabah kaninang umaga (Marso 17), ayon sa ulat ng Malaysian authorities.
Ang nasabing bakbakan ang tumapos sa may limang araw na paghupa ng kaguluhan sa lugar, ayon sa ulat na ipinoste nitong Linggo ng hapon sa Malaysia’s The Star Online.
Sa ulat na nagmula kay Army field commander Lt. Gen. Datuk Seri Zulkiple Kassim, ang engkuwentro ay naganap dakong 10:15 a.m. matapos ang maikling bakbakan sa Kg Tanjung Batu.
“We believe they (Kiram followers) are still in the area and we have surrounded it,” pahayag nito.
Bago ito, huling may naganap na sagupaan nitong nakaraang Martes nang mapatay ang isang sundalo at masugatan ang isa pa at tatlo sa mga tauhan ni Kiram ang napatay malapit sa Sungai Nyamuk.
Samantala, sinabi ni Sabah police commissioner Datuk Hamza Taib na ang lalaking nakaditine sa Semporna na hinihinalang may kaugnayan sa mga bataan ni Kiram ang namatay.
Pero nilinaw agad ni Hamza na namatay ito sanhi ng sakit at hindui pagpapatiwakal.
Inaalam pa ng pulisya kung ang 104 detainees na nakakulong sa ilaim ng Special Ordinance and Security Measures Act of 2012 ang mayroon kaugnayan sa tagasunod ni Kiram.