NAGPROTESTA ang militaneng samahan ng mga tsuper ng jeepney upang kuwestyunin ang pagtarget ng Commission on Elections sa ginagawa nilang pagpapakalat ng mga election materials.
Nanguna sa kilos protesta ang Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) sa tapat ng tanggapan ng Comelec sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Maynila.
Isinabay ang pagkilos sa mismong deliberasyon ngayon ng mga komisyuner sa isyu ng posibleng pagpapataw ng diskuwalipikasyon sa tatlong partylist matapos ang sinasabing paglabag sa campaign rule patungkol sa iligal na pagkakabit ng poster.
Ang Kabataan, Liquefied Petroleum Gas Marketeers Association (LPGMA) at ang PISTON ay kabilang sa mga partylist group na ipinatawag ng komisyon dahil sa umano’y paglabag sa panuntunan sa halalan.
Alinsunod sa Comelec Resolution 9615, pinapayagan lamang ang paglalagay ng mga campaign material sa mga itinalagang common poster area.
Sinabi naman ni George San Mateo, pangulo ng Piston, kapuna-puna ang Comelec dahil sa dami ng national candidates at mga grupong lumalabag sa campaign rules ay silang tatlo lamang ang pinupuntirya ng poll body.
“Napakaraming national candidates at iba pang partylist groups, bakit kami ang pinag-iinitan ng Comelec?”, ayon kay San Mateo.