NANAWAGAN ngayon ang minorya sa Kamara kay Vice President Jejomar Binay na pakialaman na rin ang kaguluhan sa Sabah.
Ginawa ni House Assistant Minority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez ang mungkahi kay Binay sa halip aniyang tutukan ang kaso ng isang Filipino na nahaharap sa kasong bitay dahil sa pagpatay sa isang Sudanese National sa Saudi Arabia.
Paliwanag pa ni Romualdez na kung pinag-aaksayahan aniya ng pera at panahon ang pagkalap ng blood money para kay Joselito Zapanta,32 anyos na tubong Bacolor Pampanga ay mas marapat aniyang iligtas ang libu-libong Pilipino na nasa Sabah.
Ang mga ito aniya ay nahaharap sa posibleng pang-aabuso at pangha-harass ng Malaysian Police na tumutugis sa mga tauhan ng Sultanato ng Sulu.
Aniya, nahatulan na ang OFW ng parusang kamatayan ng pamahalaan ng Saudi Arabia samantalang ang mga Filipino na nasa Sabah ay napapatay na inosente at walang kinalaman sa kaguluhan sa pagitan ng Malaysia at grupo ni Sultan Jamalul Kiram III.
Mahalaga aniya na magtulungan at gawin ang lahat ng paraan ng gobyerno upang mailigtas ang mga Pinoy na nasa Sabah.
Dapat aniyang unahin ng administrasyong Arroyo na protektahan at siguruhin ang kaligtasan ng mga Pilipino sa Sabah bago ang anumang mga hakbangin pa na nais nitong ipatupad gaya ng pagsasampa ng kaso sa mga nagdadatingang miembro ng Royal Security Forces.