IPINAHAYAG ni Abu Qaed al-Faleh, tagapagsalita ng Martyrs of Yarmouk Brigades sa Syria na hawak nila ang mga Pinoy.
Aniya, hindi nila palalayain ang mga bihag hangga’t hindi umaalis ang puwersa ni Syrian President Bashar al-Assad sa Jamlah sa Daraa province na nasa border ng Israel at Syria.
“They will not be released until after Bashar Assad’s forces withdraw from the village of Jamlah bordering Israel,” ani al-Faleh.
Nakatutok naman ngayon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa agarang paglaya ng 21 Pinoy.
Ani AFP spokesman Col. Arnulfo Burgos, mismong ang UNDOF (UN Disengagement Force) commander na namumuno sa mga Pinoy peacekeepers ang nakikipag-usap para mapalaya ang mga bihag.
Ayon pa kay Burgos, may mga kondisyon na hinihingi ang Syrian rebels kapalit ng kalayaan ng tatlong opisyal at 18 enlisted personnel kabilang daw dito ang realignment ng Syrian forces.