DAHIL sa nagmagandang-loob na motorista, mahuhuli na ng awtoridad ang trak driver na sumuwag sa isang rider sa Quezon City kaninang madaling-araw, Agosto 8.
Natukoy na ng Quezon City Traffic Police (QCTP) Sector 5 ang plate number (RFY-778) ng naturang trak na nakapatay sa biktimang si Gerardo Garcia, 37, company driver ng Maynilad Water Services, Inc.
Agad namang nakipag-uganayan ngayon ang QCTP sa Land Transportation Office (LTO) upang malaman kung sino ang may-ari ng nakaaksidenteng trak at malaman na rin kung sino ang responsable sa krimen.
Laking pasalamat sa nagmagandang-loob na motorista na ayaw magpakilala dahil kung ‘di dahil sa kanya ay isa na itong hit-and-run case na mahirap malutas at hindi mabibigyan ng kataruangan ang pagkamatay ng biktima.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 4:00 ng madaling-araw sa kanto ng Commonwealth Avenue at Mindanao Extention.
Bago ito, papasok na ang biktima sa trabaho sakay ng motorsiklo.
Dahil naka-go signal ang traffic light, umabante ito ngunit sa kasamaang-palad ay nabangga siya ng nag-beating the red light na truck na agad nitong ikinamatay.
Matapos mabangga ay hindi na huminto pa ang truck ngunit sinundan ito ng isang motorista at isinulat ang plaka nito.
Agad idinulog ng nasabing saksi ang pagkakakilanlan ng truck sa awtoridad. Robert C. Ticzon