NATIKLO ng awtoridad sa Iloilo ang isang mataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CCP-NPA) Ilocos-Cordillera Regional Committee at communication chief ng mag-asawang Benito at Wilma Tiamson.
Dinala naman agad kaninang umaga, Agosto 7, pabalik ng Abra ang suspek na si Eduardo Esteban, 60, na nahaharap sa kasong murder. Hinuli ito sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng RTC Branch 2 Judge Corpuz Alzate ng Bangued, Abra.
Si Esteban ay may patong sa ulo na P5.8-milyong pabuya.
Nahuli ito nang pinagsamang pwersa ng AFP at PNP sa pinagtataguan nitong bahay sa Block 3, Phase 2, Landheights Subdivision sa Brgy. Buntatala, Jaro, Iloilo City at nakumpiska pa ang .38 caliber revolver at mga bala.
Sa impormasyon ng Philippine Army, ang naarestong si Esteban ay secretary-general ng Ilocos-Cordillera Regional Committee at bureau chief ng communication ng grupo ng mga rebelde at kasapi ng central committee ng NPA sa ilalim ng mag-asawang Tiamzon. Robert C. Ticzon