ANG kadalasa’y madugo’t marahas na demolisyon ay naging mapayapa sa Quezon City, kaninang umaga, Agosto 7.
Nagsimula pag-demolish dakong 8:00 ng umaga, na may 60 pamilya ang nawalan ng tirahan sa may apat na ektaryang lupain sa Sta. Elena cmpd. sa Capitol Park Hills Subdivision, Commonwealth Avenue, Q.C.
Ang nasabing lupain ay pag-aari ng Pamilya Canossa at ang Metrobank naman ang may-ari ng 400 metro-kwadrado (sq.m.).
Ang bisa ng court order ay mula sa Quezon City Branch 35 habang mula naman sa Quezon City Branch 91 ang writ of possession ng bangko.
Ayon sa mga residente, naging mapayapa ang demolisyon bagama’t hiniling nila sa sheriff na huwag na sanang gibain ang mga bahay dahil kusa nilang lilisanin ang lugar.
Ngunit ani Modesto Makaya, lider ng mga informal settler, ikinagulat nito ang demolisyon dahil nagkaroon na aniya ng naunang pag-uusap kasama ang may-ari na hindi idadamay ang bahay ng Pamilya Makaya na may 30 pamilya sa loob ng compound.
Humirit din sila na mabigyan ng malilipatan ngunit hindi naman tumugon ang may-ari dahil ang naturang lupain ay pribado at hindi sa gobyerno. Robert C. Ticzon