MATAPOS manalasa ang Rapu-Rapu fire o bush fire nito lamang nakaraang Martes sa Albay, niragasa naman ng forest fire ang tatlong barangay sa dalawang bayan ng Albay nitong Miyerkules ng gabi, Agosto 6.
Sa isang post sa Facebook kaninang umaga (Agosto 7), sinabi ni ni Albay Governor Joey Salcedo, na dahil dito ay ipinalikas na agad nila ang mga residente ng Barangay Magnaet at Tanagan sa Bacacay at Barangay Putsan sa Tiwi.
Dalawa aniyang helicopters ang agad naglatag kaninang umaga ng water drops sa mga nabanggit na barangay para mapigilan ang pagkalat ng apoy.
Sa ulat naman ng Bicol regional police, may 20 pamilya o 72 katao ang nailikas na sa Sitio Malubago, Barangay Tanagan sa Bacacay.
Dagdag pa na maaaring may apat pang barangay ang maapektuhan ng forest fire kabilang ang Tanagan, Manaet, Namantao at Cagraray.
Pansamantalang ginawang evacuation centers ang mga eskwelahan, barangay halls at chapels.
Sinabi naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na gumasta ang gobyerno ng P5-milyon para makontrol ang bush fire na tumama sa Rapu-Rapu town sa Albay nitong nakaraang Martes lamang. Robert C. Ticzon