INAALAM na ng Land Transportation Office (LTO) ang paraan para higpitan ang patakaran sa pagkuha ng professional license ng mga tsuper.
Kasunod ito ng matinding pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila dahil sa dumaraming bilang ng mga aksidente at girian sa pagitan ng mga pampubliko at pribadong mga sasakyan.
Ayon kay LTO Spokesman Jason Salvador, nakagawa na sila ng draft ng resolusyon at iaakyat na sa Department of Transportation and Communications (DOTC).
Hirit ng LTO, daragdagan nila ang requirements sa pagkuha ng professional license mula sa kasalukuyang pagkuha muna ng student permit bago kumuha ng non-professional license matapos ang isang buwan.
Partikular na idaragdag dito ay ang tagal ng karanasan, lawak ng kaalaman at lalim ng pagsasanay sa pagmamaneho bago makakuha ng ganap na lisensya. Johnny F. Arasga