ITINAAS na sa level 1 ang alerto sa Marikina river makaraang umabot na sa 15 metro ang tubig dulot ng walang puknat na pag-ulan.
Dahil dito, binuksan na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang apat sa walong flood gates ng Manggahan floodway upang mabilis na dumaloy ang tubig mula sa ilog palabas ng Laguna de Bay.
Kaugnay nito, inalerto na ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang mga residente malapit sa Marikina river para sa posibleng evacuation.
Ayon kay Marikina City Mayor Del de Guzman, sakaling hindi bumaba ang tubig sa ilog at ito’y iakyat pa sa alert level 2, kakailanganin nang lumikas ng mga nasa Barangay Nangka, Malanday at Tumana. Johnny F. Arasga