UMUPA na ng barko ang gobyerno ng Pilipinas para maglikas sa libu-libong overseas Filipino workers (OFW) dahil sa nangyayaring gulo sa Libya.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), inaasahan na magsisimula sa Biyernes ang paglalayag ng ferry mula sa Malta para kunin ang OFWs.
Sinabi pa ni DFA spokesman Charles Jose, babalik ang barko sa Malta sa Linggo at isasagawa ang single trip lang para damputin ang OFWs sa tatlong main ports sa Tripoli, Mistrata at Benghazi.
Una rito, naging malaking hamon para kay DFA Secretary Albert del Rosario ang pagtungo sa Tunisia noong nakaraang Biyernes para hikayatin ang tinatayang nasa13,000 OFWs sa Libya.
Pero sa kabila ng panganib, libu-libo pa ring mga Pinoy ang piniling manatili sa lugar.
Ito’y kahit naging biktima na ng karahasan ang dalawang Pinoy.
Nagmamatigas pa rin ang mahigit sa 11,000 kababayan na lumikas sa lugar na karamihan sa mga ito ay nagtatrabaho sa health and construction sectors. Johnny F. Arasga