AABOT sa P3.2-billion military base ang nakatakdang itayo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Barangay Rio Hondo, Zamboanga City.
Naniniwala si AFP Chief of Staff General Gregorio Pio Catapang na ito ang nakikita nilang solusyon upang mahirapan at maiwasang lusubin muli ng mga rebeldeng grupo ang syudad tulad sa pagsalakay ng MNLF Misuari faction noon.
Sinabi ni Catapang na ang base military ang magsisilbing forward operations base ng Western Mindanao Command na magtse-check sakaling may magtangkang pumasok na armadong grupo sa siyudad.
Paglilinaw ni Catapang, hindi lamang militar ang nasa loob kundi binubuo din ito ng mga pulis at Coast Guard na makatutulong sa militar laban sa mga kriminal at mga nais manggulo sa buong Zamboanga.
Tiniyak ng heneral na sakaling kakailangin ang karagdagang deployment ng tropa para sa Zamboanga ay kanya itong gagawin.
Sinabi ni Catapang na kung masusunod ang plano, dapat maitayo ang forward operations base bago matapos ang taong 2015.
Sa kabilang dako, wala namang nakikitang pagtutol ang lokal na pamahalaan ng lungsod sa planong ito ng AFP. Johnny F. Arasga