PATAY ang isang retiradong miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos magbaril sa sarili sa Pasong Tamo, Quezon City kagabi, Hulyo 27, Linggo.
Kinilala ang biktima na si Antonio Alivio, 54, ng No. 2003 Visayas Avenue Ext., Pinkian Village 3, Bgy. Pasong Tamo, QC.
Sa ulat ng Quezon City Police District- Criminal Investigation and Detention Unit (QCPD-CIDU), natagpuan ang duguang bangkay ng biktima ng kanyang kaanak sa sasakyan nito (CND-594) sa Visayas Avenue, Ext., Pinkian Village 3, Brgy. Pasong Tamo alas-7:20 kagabi.
Naiwang mag-isa ang biktima dahil nagsimba umano ang mga kasamahan nito sa bahay at nang pagbalik ay tumambad na ang walang buhay na biktima sa loob ng kanyang Tamarraw FX matapos umanong magbaril sa sarili.
Natagpuan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa loob ng sasakyan ng biktima ang isang .9mm kalibre ng baril na kargado pa ng limang bala.
Tama ng bala sa ulo ang dahilan ng agarang pagkamatay ng biktima.
Sinisiyasat pa ng mga pulis ang motibo sa pagpapakamatay ng biktima. Santi Celario