PATAY ang isang buntis at ang kanyang 10-anyos na anak makaraang madaganan nang malalaking bato ang kanilang tinitirahan sa Maharlika Highway sa Barangay Cagnipa sa Lungsod ng Calbayog, Samar.
Nasawi sina Marife Monteves, 37, 9-buwang buntis, at anak na si Danica.
Habang nakaligtas naman ang ama na si Danilo Monteves at dalawang anak nito na sina Diana, 9, at Danilyn, 5, na nagtamo ng malalalim na sugat sa katawan na kasalukuyang ginagamot sa St. Camillus Hospital sa lugar.
Base sa salaysay ni Danilo, natutulog sila sa loob ng kanilang barong-barong nang bigla nalang nilang narinig ang rumaragasang malakas na tunog at dumiretso sa kanilang tirahan.
Dalawang malalaking tipak ng bato na pinaniniwalaan galing sa itaas ng bundok ang tumama sa misis nito at ang kanyang anak na babae na naging sanhi ng agarang pagkamatay ng dalawa.
Ayon pa kay Danilo, siya at ang kanyang bunsong mga anak ay mabilis na nakakilos at nakapagtago sa isang sulok ng kanilang tirahan kaya maswerteng nakaligtas.
Hinihinalang ang gumulong na bato ay mula sa lumambot na lupang kinakapitan nito makaraan ang walang humpay na ulan noon pang Biyernes ng gabi.
Ang bahay ng mag-asawang Monteves ay nasa paanan mismo ng bundok malapit sa Maharlika Highway. Marjorie Dacoro