CIUDAD DE VICTORIA, BOCAUE, BULACAN – Dalawang panibagong world record ang nasungkit ng Iglesia Ni Cristo na kinilala ng Guinness World Record kaalinsabay ng pagdiriwang ika-100 anibersaryo ng INC.
Opisyal na inanunsyo ng adjudicator ng Guinness na nakuha ng INC ang world record na Largest Gospel Choir na umabot sa 4,774 na miyembro ng choir na umawit na mas mataas mula sa kasalukuyang record na 1,700 at ang ikalawang record ay ang Largest Indoor Arena dahil hindi lamang sport ang maaaring gawin sa loob ng Philippine Arena kundi mga stage play, at iba pang cultural show.
Ito na ang pang-walo sa Guinness World Record na nakamit ng INC.
Ang special worship kaninang umaga ay pinangunahan ng INC Executive Minister Bro. Eduardo V. Manalo na pinaka-highlight ng pagdiriwang ng sentenaryo.
Bagama’t nasa 10,000 choir ang umawit kaninang umaga ay marami ang nahuli dahil sa pagkabalam ng kanilang sasakyan sa NLEX na tinatayang hindi na nabilang ng Guinness.
Ayon naman sa Philippine National Police (PNP) naging organisado ang pagtitipon kaninang umaga kahit ang tinatayang dumalo ay tatlong milyong miyembro ng INC mula sa iba’t ibang panig hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo.
Dahil sa 55,000 lamang ang seating capacity ng Philippine Arena ay naglagay na rin ng mga upuan sa paligid ng gusali at ginamit din ang Philippine Sport Stadium na naglalaman naman ng 21,000.
Kaninang alas-12:00 ng hatinggabi bilang pagsalubong ika-100 taon ng INC ay nagkaroon ng 25 minutong pyromusical display na labis na ikinatuwa ng mga miyembro ng INC.
Naunang sinabi ni Joel Sta. Ana, presidente ng Platinum Fireworks na gumamit sila ng kakaibang big o bombshells na hindi pa nagagamit sa mga naipakitang fireworks sa buong mundo.
Ito aniya ay maituturing na “one of a kind in the whole world” at maaari aniya itong maging visible hindi lamang sa buong Bulacan kung saan naroon ang Philippine Arena kundi sa loob ng 10 kilometers radius o hanggang sa Quezon City. Meliza maluntag