SUGATAN ang isang batang lalaki matapos tamaan ng ligaw na bala habang nanonood ng telebisyon sa loob ng kanilang bahay, Biyernes ng gabi, July 25 sa Malabon City.
Ginagamot sa Pagamutang Bayan ng Malabon (PBM) ang biktimang si Jann Edmar Santos, 11, ng #24D C. Santos St., Brgy. Niugan ng nasabing lungsod sanhi ng tama ng hindi nabatid na kalibre ng baril sa kaliwang balikat.
Batay sa ulat nina PO3 Jun Belbes at PO1Gigi Limqueco, dakong 9:15 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima sa nasabing lugar.
Kasalukuyang nanonood ng telebisyon ang biktima nang may lumusot ng bala mula sa bubungan ng mga ito na tumama sa balikat ni Santos.
Mabilis namang naisugod ng kanyang ina sa nasabing pagamutan ang biktima at kasalukyang inaalam ng otoridad kung sino ang responsable sa muntikang pagkamatay ng biktima. Roger Panizal