KINANSELA na ang klase sa ilang paaralan sa anim na bayan sa Southern Leyte bunsod ng pinsalang dulot ng magnitude 5.4 na lindol na yumanig sa lalawigan.
Ayon kay Southern Leyte Governor Roger Mercado, apat na school building at ilan pang gusali sa mga bayan ng Saint Bernard, Hinundayan, Hinunangan, San Juan, Anahawan at Silago ang napinsala ng pagyanig.
Napag-alaman na alas-7:57 ng umaga nang tumama ang magnitude 5.4 sa Southern Leyte partikular sa bayan ng Hinundayan.
Naramdaman ang intensity 6 sa Hinunangan, Hinundayan at St. Bernard; intensity 5 sa Anahawan; intensity 4 sa bayan ng San Ricardo at Maasin City, Southern Leyte; Tacloban City at bayan ng Dulag sa Leyte; mga bayan ng Loreto at Dinagat, sa Dinagat Island.
Intensity 3 naman ang naramdaman sa Palo at Pastrana, Leyte; intensity 2 sa Cebu, Talisay at Bogo cities sa Cebu; Surigao City, Ormoc City sa Leyte; bayan ng Burgos, Surigao del Norte at intensity 1 sa Lapu-Lapu City, Cebu. Johnny F. Arasga