SUGATAN ang isang barangay tanod nang pagtatagain ng isang pedicab driver na sinita ng una dahil nakasasagabal umano ang ipinarada nitong pedicab sa Pasay City kahapon ng umaga.
Kasalukuyang ginagamot sa Pasay City General Hospital (PCGH) ang biktimang si Nardo Portes, 30, tanod sa Barangay 160 Zone 17 ng naturang lungsod at naninirahan sa 1252 C. Jose St., Pasay City, sanhi ng tinamong mga pinsala.
Nahaharap sa kasong physical injuries at illegal possession of deadly weapon ang suspek na nakilalang si Jona Escopete, 18, miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik, ng 704 Apelo Cruz, Pasay City.
Sa isinagawang imbestigasyon ng Pasay City Police, alas-9 ng umaga nang maganap ang insidente sa panulukan ng C-Jose St., Malibay nang nasabing lungsod.
Nauna rito, nakatoka ang biktima na umasiste sa mga taong kumukuha ng census sa National Statistic Office (NSO) nang dumating ang suspek sakay ng minamaneho nitong pedicab at ipinarada sa nasabing lugar kung saan nakakasagabal ito sa mga kumukuha ng kanilang dokumento.
Pinapaalis umano nito ang pedicab dahil sagabal ito sa mga dumadaan, ngunit nagalit ang suspek at kumuha ng itak sa kanyang pedicab at walang sabi-sabing pinagtataga ang biktima.
Maswerte namang hindi napuruhan ang biktima kaya’t agad itong isinugod sa nabatid na ospital habang naaresto naman ang suspek. Jay Reyes