SA loob mismo ng police mobile patrol natigbak ang isang holdaper nang barilin ng isa sa mga pulis sa pagpalag nito habang dinadala sa presinto sa San Pablo, Laguna kaninang hapon, Hulyo 25.
Nagtamo ng dalawang tama ng bala sa katawan at namatay habang ginagamot sa ospital ang hindi nakikilalang suspek na inilarawang 35-38-anyos, payat at nakasuot ng t-shirt at maong pants.
Isinasailalim naman sa interogasyon ang nakabaril na pulis na si P01 Loyal Marquez, para malaman kung ito’y nagsasabi ng totoo hinggil sa insidente.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 12:45 ng hapon ilang metro na lamang ang layo sa San Pablo Police Office (SPPO).
Bago ito, nangholdap ng isang pampasaherong jeep ang suspek sa may San Pablo Road sa Barangay Concepcion.
Pababa na ang suspek sa naturang dyip nang sipain ng isa mga pasahero kaya bumagsak ito sa kalsada at nawalan ng malay.
Isinugod naman ng isang tricycle driver na hindi nakuha ang pangalan ang naturang holdaper sa pinakamalapit na pagamutan at bago nagkamalay ay naposasan na ni P01 Marquez at P01 Jeremiah Ramos.
Isinakay ang suspek sa mobile patrol pero bago dumating ng presinto ay nakakawala sa pagkakaposas kaya sinakal si Ramos.
Sa puntong ito, binaril na ni Marquez ang suspek na nadala pa ulit sa ospital ngunit namatay na rin. Robert C. Ticzon